Lunes, Oktubre 8, 2012

Aralin 1


Aralin 1
"Ang Guryon"
ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin , ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob!

Sa unang araling ng ikalawang markahan .Pinag aralan namin ang tulang Ang Guryon ni Ildefonso Santos kung saan aming inalam ang natatagong kahulugan ng tulang ito.

Ito ay isang halimbawa ng imahismo  dahil kapag ito ay binasa malinaw at tiyak na larawan ang maiiwan sa isipan ng  mambabasa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento