Aralin
5
Sa Bagong Paraiso
Ni : Efren Reyes-Abueg
Genesis 3:
16-17 Sa simula’y mga bata silang walong taong gulang – isang lalaki at isang
babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang kinatitirikan ng
dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at isa’y nasa
Kanluran; at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan. Ang malawak na
looban ay mapuno at mahalaman, maibon at makulisap at ang kanilang mga magulang
ay walang sigalutan- ang mga ito’y makaDiyos at walang araw ng Linggo o araw ng
pangolin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng
nayon. Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad at may usal ng dalangin
sa mga labi. At silang dalawa- ang batang lalaki at batang babae ay
nagsisipag-aral kasama ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid,
sa gusaling nasa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap, na ang sakop
ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng baying iyon at ng lalawigang
kinaroroonan niyon. II Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga
araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula
sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong
bayabas, marurupok na sanga ng sinigwelas, sa maligasgas at malulutong na sanga
ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang
mga siko, nagagalusan ang kanilang mga mukha at kung minsan ay nalilinsaran
sila ng buto kung nahuhulog-ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda;
patuloy sila sa paglalaro. Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo
sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan,
nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y hinihingal na’y hihiga sila sa damuhang
iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sa langit ang
kanilang mukha. ‘Loko mo…makikita mo ba ang mukha mo sa langit?’ minsan ay sabi
ng babae sa lalaki. ‘Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin…ang sabi
ng tatay ko,’ sagot naman ng batang lalaki. Ang batang babae ay makikisilip din
sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling
paningin ang sabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang
matagal-sila’y lalagumin ng katahimikan-ang kanilang katawan ay nakalatag na
parang kumot, hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa
kanilang bahay. Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising: kung
minsan naman ang batang babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising,
kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin sa tainga ang natutulog. At ang
natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarining sa siya’y pinagtatawanan ay
magtitindig at ang nangingiliti ay mapapaurong naman at anyong tatakbo at
sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapaikot-ikot hanggang ang isa’y
mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi
nila pinapansin ang pagkakadantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng
nag-iinit nilang katawan. Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y
magtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng
kabibe. Nilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kanyang putot na pantaloon at
ang napupulot niyang kabibe at ang nadarampot naman ng batang babae ay
inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot nitong damit. Kung hindi naman
kabibe ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis
sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin o kaya nanunugis ng mga
kulukoy na kung hindi makapangubli sa malalim na lungga ay lumulusong sa
talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin. Ngunit hindi lamang iyon ang
kanilang ginagawa: nagtutudyuan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na,
mahihiga rin sila sa buhanginan tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at
sa kanilang pagkakatabi nagkakatinginan sila. Minsan ay itinanong ng batang lalaki
sa batang babae: ‘Naririning mo ba…..may tumutunog sa aking dibdib?’ Ang batang
babae ay nagtakaa. Bumangon ito ay tumingin sa nakatihayang kalaro. ‘Pakinggan
ko nga,’ anang batang babae. Inilapit ng batang babae ang kaniyang tainga sa
dibdib ng batang lalaki, dumadaigdig ang katawan niya sa katawan ng kalaro at
nalalanghap naman ang nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok. ‘Ang bango mo
pala!’ Ang batang lalaki ay nakangiti. ‘Aba…hindi naman ako nagpapabango,’
anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang kalaro. ‘Paglaki ko raw
ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay ko.’ ‘Teka nga pala, narinig mo ba
ang tunog sa dibdib ko?’ usisa ng batang lalaki. ’Oo...ano kaya ang ibig
sabihin niyon?’ Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng
tingin. ’Malay ko...tena na nga.’ Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang
buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang
lumakad. Sinabayan siya ng batang babae at habang isinasalisod nila ang
kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na
araw. ’Ang ganda, ano? Bakit kaya kulay-dugo ang araw kapag palubog na?’ sagot
naman ng batang babae. Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa
mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran. III Puring-puri ang dalawang
bata ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kanayon. At kinaiingitan naman
sila ng ibang batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.
’Siguro, paglaki ng mga batang ’yan...silang dalawa ang magkakapangasawaan.’
Maririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila’y nagtataka. Hindi nila
madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa
hinaharap. Higit pang nakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga
kaklase sa silang dalawa’y parang tuko – magkakapit. At minsan nga ay napalaban
ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang
araw na pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo ng
tinudyo. ’Kapit-Tuko!’ Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki.
Ibinalibag nito sa paanan na nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat.
Sinugod nito ang mga kalaban. Nagpagulong-gulong sila sa matigas na lupa,
nagkadugu-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang
sa dumating ang guro at sila’y inawat at sila’y pinabalik sa silid-aralan at
pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap ng tatlong matinding palo sa puwit.
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa
kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang
kawalang-malay. IV Namumulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag ang mga
bugnoy, dumating ang namamakyaw at sa loob ng ilang araw lamang nagsanib ang
bunga ng mga sanga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang
hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak iyon at dumaan ang
mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at kanilang naging tagpuan ay ang
dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong
kung bakit kulay dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay
namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at
pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at
idinalangin nila ang maagang pag-ulan-sapagkat sabi ng kanilang lola’y madaling
bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila’y naniniwala
at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon sa kalagitnaan ng nayon, silang
dalawa’y nagpugay, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang
tuyong damo, na waring bankay ng siang panahong hinahalinhinan ngayon.
Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas.
Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang
babae naman ay naghanap ng sungkit. At ang pamumulaklak, pamumunga at
pamumulaklak at pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang
punungkahoy, halaman sa bagong supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi
pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyong kung dapithapon. Ang paaralan sa
nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan’
ang mga magulang ay walang pinaguusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga
anak. V Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki at ang batang babae ay
sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na
ang kanilang ayos. Ang batang lalaki ay hindi na nakapantalong maikli-putot;
siya’y nakalargo na at pantay na ang hati ng buhok na nangingintab sa pahid ng
pomada. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok na nakatirintas at ang
kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi makikita ng batang lalaki ang
alak-alakan nito. Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi
nila mapigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang
paraisong kanilang kinaroroonan. Sa paghawak na kanilang daigdig, ang batang
lalaki’y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro-siya’y kahalubilo na rin
ng maraming batang lalaking pumapasok sa magagapok na gusaling iyon ng
paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan-at
higit sa laht nakikituklas ng lihim ng isa’t isa. Isang araw, sa likod ng
paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki
ang nasa loob niyon at may pinakikita sa kasamahan. Nakisiksik din siya sa mga
batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na hindi niya alam na kailangang
mangyari sa kanya. Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan
ay hindi siya nag-aral. Umupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip
hanggang sa makita siya roon ng kaniyang ama. Inusisa niya sa ama ang kanyang
natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa
iyon. Nagtawa ang kanyan ama. Tinapik siya nito sa balikat. ’Kailangan niyon
upang ikaw ay maging isang ganap na lalaki,’ sagot ng kaniyang ama. Natingala
lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata’y naghiwatig ng
pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang-malay. ’Hayaan mo...’ dugtong ng
kaniyang ama. Isang araw isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lang
sana...’ Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niy kung
bakit nahihiya siya. Ngayon lamang niya nadama iyon. Kaya’t kahit patuloy pa
rin silang naglalaro sa damuhan o kaya’y nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala
silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki.
At isa ngang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kaniyang ama sa bahay ni Ba
Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at
pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog.
’Ang damuho...pagkalaki-laki’y parang hindi lalakit.’ Ang narinig niyang iyon
kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kaniyang
isip at patuloy na nagpalaki sa lamat ng kaniyang kawalang-malay. VI Kasunod ng
panyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong
magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo.
Hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro
sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito’y nakahiga sa damuhan o
dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang namumula ang mata ng
batang babae nang dumating ito isang dapithapon sa tabing-dagat. ’Bakit?’ usisa
niya. ’Wa-wala...wala!’ Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang
kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro niya rito ang dahilan. Tinudyo niya ang
batang baba, kiniliti, napahabol dito hanggang sa mahawa ito at sila’y
naghabulan na sa buhanginan, sumsisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas
ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga na naman sila sa buhanginan.
Humagikgik pa sila ng mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at
madama niyang lalong malakas ang pintig doon. ‘Tingnan mo...pakinggan mo ang
tunog sa dibdib ko,’ anyaya ng batang lalaki. Ngunit hindi kumilos sa
pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas na mukha ng
langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunguhan ang nakahigang
kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. ’Bakit?’ Saka lamang tumingin
ang batang babae sa batang lalaki at ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa
pisngi’y pinahid nitong palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay
pinaniktikan ng buhangin. ’Hindi na pala tayo maaaring maglaro...tulad ng
dati,’ anang batang babae sa basag na tinig. VII Hindi nga sila mga bata.
Siya’y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang
nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa
rin sila sa looban ngunit hindi nga lamang tulad ng dating nagtatagal ang
kanilang pag-uusap. Nayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang
nagbabawal-sa looban, ang kanilang mga magulang ; sa paaralan, ang
kanilang mga guro. Ang kanilang tawa tuloy ay hindi na matunog; ang hiyaw ng
dalagita ay hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang
pag-uuusap ay hindi na Malaya at pumipili na sila ng salitang kanilang
gagamitin. At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa
ilalim ng kaniyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kaniyang ina,
palihim niyang lalabhan iyon sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang
likod-bahay. Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at
sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan iyan.. VIII Natapos
ng haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maibaot sa kanila ang kanilang diploma. At
nang nagsayawan ng gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila
nahapo, ang tibok ng kanilang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi
maungkat iyon ng kanilang mga labi’y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin
ang kanilang panunyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok ng
pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat sa kanilang
kawalang-malay. IX Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: kung gusto mong
makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang
ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluong sa kanyang
kalooban. ’Pero, Inya...kaibigan ko si Ariel!’ May himagsik sa kanyang tinig.
’Kahit na...kayo’y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong
sabihin,’ may langkap na tigas ang sagot na iyon. Alam niya ang kahulugan
niyon: masama. Parang pait iyong umukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At
saglit iyong inagaw ng tinig ng kaniyang ama. ’Ibig kong magdoktora ka, kaya
kalimutan mo muna ang lalaki!’ At ang pait na may inuukit sa kanyang isip ay
parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog na
pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap
ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid.
Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo ay natuklasan nila
sa isa’t sia na mataa na ang dingding sa kanilang pagitan. Matatag iyon at
makapal at waring hindi nila maibubuwal. ’Huwag muna tayong magkita, Ariel,’
sabi niya sa binata. Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal
sa noo nito-at pagtataka, sa damdaming unti-unting nasasaktan. ’Ba-bakit...dati
naman tayong...’ ’Ayaw nila...ng Inay, ng Itay…masama raw,’ at ang mga labi
niya’y nangatal kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata. Masama!
Masama ! At si Ariel, ang kanyang kababata, ay lumisang larawan ng isang
bilanggong hindi makaigpaw sa isang mataas na pader. X Minsan ang binata ay
umalis sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang
ama. “Bakit?” “Ayaw nang makipagkita sa akin ni Cleofe” Nagtawa ang kanyang
ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin. “Walang
kwenta iyon. Makita mo, kapag tapos na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli.
Hindi mo baa lam… na gusting- gusto ka ng mga magulang niya na maging doktora
siya?” Pasigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa kanyang isip. “At habang
nagdodoktora siya ay masamang kami’y magkita?” “Tama ka,” maaagap na pakli ng
kanyang ama. “ Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin
sa tukso?” “ Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong isinaksak sa kanyang
utak ang mga katagang iyon. Mahapdi. Makirot. Parang binibiyak ang kanyang ulo.
Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa looban, ang malamig na
buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na parang dugo. XI At ang
dalawa’y hindi na nagkita, gayong hindi na sa lungsod na maliit at maglakad ka
lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng masasalubing na kakilala.
Mangyari’y iniiwasan nila ang magkita, mangyari’y sinikil nila ang paglago ng
halaman sa kanilang katauhan na pinapag- ugat at pinag- pausbong ng mga araw sa
luntiang damuhansa looban at malamig na buhanginan sa dalampasigan kung
dapithapon. Hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang
pagkikita nila’y magiging masama, tukso. At sa kanilang daigdig ng mga aklat,
ng matataas na gusali, ng malalayang kabataan sa kapaligiran, ang isiping iyon
ay parang batak na nakabitin sa tabak ng kanilang ulo o kaya’y tulad din ng
isang mansanas, pulang mansanas na bibitin- bitin sa nakayungyong na sanga ng
punungkahoy. Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring panahon, mga buwan at
sana’y mga taon kung nakatiis sila…kung tuluyang nasikil nila ang halamang
patuloy sa paglago sa kanilang katauhan. XII Hindi nga sila nakatiis…isang araw
na hindi sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila
napahinto sa paglakad at nagbabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi
parin sila makakilos. Ang binata ang unang naglakas- loob at binati niya ang
dalaga. Hindi makasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at
nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay
anapasunod lamang siya , napatangay sa agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng
kanilang hinihinging pagkain, sila’y nagkatitigan at sila’y nakalimot at akala
nila’y sa luntiang damuhan sila sa looban ng lalawigan, nakahiga at nakabaling
sa isa’t isa. At pagkaraan ng maraming sandali ng pagdidilidili, ng pagsusuri
sa sarili, ng pagtantiya sa pandama, hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae,
pinisil at hinalikan at saka sa tinig na nababasag ang pananabik at
pangungulila ay sinabi : Ibig kong magkita tayo, kahit saan, kahit saan!
At ang babae ay hindi sumagot at tumango lamang at lalong ipinaubaya sa lalaki
ang kanyang palad. At sila’y nagkita sa Luneta, hindi lang minsan, kundi
maraming pagkikita….maraming- marami at ang kanilang sikil na damdamin ay
lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwang pagkakalayosila’y
lumigaya. Ngunti ang inihasik na binhi ng pagkakakilala sa masama ta sa mabuti
sa kanilang isip sy sumibol at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawa nilang iyon
ay masama. Ngunit sila’y uhaw sa gunita ng kanilang kamusmusan at sila’y
naghihimagsik. XIII Malinaw ang sinabi ang sinabi sa sulat: sa pook pa naming
iyon, sa lahat ng pook na dapat pagkaiwasan …doon kayo nakita. Hindi sana
malubha kung nakita lamang kayo, ngunit nakita kayong magkahawak kamay… sa
karamihan ng tao sa paligid. Hindi na kayo nahiya! Hindi na ipinagpatuloy ng
dalaga ang pagbasa ng liham. Nababanta ang mga sumusunod na talata: luluwas ang
ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan. Ang binata ay hindi
makatulog. Nalukot na ang suot niyang damit ay hindi parin niya hinuhubad. Ibig
niyang lumabas ng bahay- paupahang iyon, maglakad sa lansangan at sa labas
paabot ng umaga. …ipinaaabot ditto ng mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo.
Hiyang hiya kami ng iyong ama. Ibig naming makatapos ka … at ibig ipaalaala
mula sa iyo na ang babae at tukso…tukso! XIV Sinabi ng dalaga : hindi
ngayon tayo maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago
tayo…ililihim natin sa kanila ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook na
hindi sana nila dapat pagkitaan , ngnit doon sila itinaboy ng kanilang
paghihimagsik, ng takot na matupto[ at ng pangangailangan. Sa mga pook na iyon
pinilit nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay
nila, sila ay nagtatagumpay. Naaalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak,
nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal, lumalarawan ang mga
nananalim na tingin masama…tukso. XV At ngayon ang kanilang paraiso ay hindi na
malawak na looban.o kaya ang dalampasigang malamig kung ang dapithapon ang
silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay makitid,
suluk-sulok, malamig din, ngunit lagging hinahamig ng init ng kanilang lumayang
katawan. XIV Maligaya sila sa kanilang daigdig. Maligaya sila sa kanilang
bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at
nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamayamaya, pumatak ang ulan, na ang
pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay dumungaw sa bintana-
masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakakatakot na bagay sa kanyang
katawan na ibig niyang ilabas at itapon. At iyon ay waring umaakyat sa kanyang
lalamunan. Humawak siya sa palalabahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin
ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyng maitim ang langit at naisip
niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakiya niyangnililinis ng tubig ang
bangketa. At kasabay ng kanyang pagtungo,parang may isinakad na pataas sa
lalamunan ang kanyang bituka at siya’y napanganga at siya’y napapikit at siya’y
napaluha at paghigpit ng kanyang paghawak sa palababahanng bintana ay naduwal
siya…at ang lumabas pagkaraa’y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nalikhang
mumunting agos sa gilid ng daan. At ang dalaga’y napabulalas ng iyak.
Pinagkunan : http://tl.wikipedia.org/wiki/Sa_Bagong_Paraiso
Ang pangunahing tauhan sa akdang ito ay si Cleofe at si Ariel , kung
saan nagpapakita sila ng pagtakas sa katotohanan o paggawa ng sarili nilang
mundo.Ipinapakita rito na pinaglalayo muna sila ng kanilang magulang upang
intindihin muna ang mga dapat unahin na para sa ikagaganda ng kanilang
kinabukasan ngunit dahil sa matagal na silang magkasama o nasanay na silang
magkasama, kaya hindi ganoon kadali na sila’y paghiwalayin.Nanaig din ang
pagmamahalan sa kanilang dalawa na nagbunga ng hindi inaasahan.
Guamamit ito ng kalikasan para s ikagaganda ng akda.Ang mga bagay na
ito ang nagpapatunay na ginagamitan ito ng teoryang Romantisimo.
Teoryang Romantisismo
Sa teoryang romantisimo, ang binibigyang-tuon ng akda ay ang pagtakas sa katotohanan. Karaniwan ang mga akda sawika, kapaligiran at tauhan. Pinahahalagahan din sa akda ang kalikasan, nakaraang institusyong panlipunan atdamdaming nakapaloob dito.
Ito ay nagpapakita ng pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa, bayan at iba pa.
Kinanta rin naming
ang kantang “Batang bata ka pa” by:APO, upang ihalintulad sa akda.
Batang bata Ka Pa
By : Apo Hiking Society
(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang
Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang
(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian
[ Lyrics from: http://www.lyricsmode.com/lyrics/a/apo_hiking_society/batang_bata_ka_pa.html ]
(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man
(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata
(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo
(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman
(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang
(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang
Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang
(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian
[ Lyrics from: http://www.lyricsmode.com/lyrics/a/apo_hiking_society/batang_bata_ka_pa.html ]
(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man
(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata
(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo
(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman
(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang
(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la
Bilang pagtatapos ng araling
ito, gumawa kami ng isang sanaysay, nagsulat kami n gaming bisang pandamdamin
at bisang pangkaisipan at ang huli ay ang paggawa ng aming sariling katapusan
ng akda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento