Martes, Oktubre 9, 2012

Aralin 6


Aralin 6
Saan Patungo ang langay-langayan?
Ni :Buenaventura S. Medina Jr.
Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.
Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at ako’y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa’y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako’y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako’y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)
Ito ang aking mithi: Paglaya.
At ako’y nagtatanong: Ano ang paglaya?
Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya’y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya’y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?
Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako: naroon din ang buhok na dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo’y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako’y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na lamang – ang makalaya sa kaalipinan.
Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?
Sa salamin ay naroon ako.
Ako’y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito’y naganap, nawala ang ligaya, nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.
Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.
Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari’y tuluyan nang nawaglit?
Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako’y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.
Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo’t masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito’y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim.
At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki’y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao.
Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.” Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.
Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha.
Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba’t sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan – nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.).
Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig (“Hayo at magsupling!”) kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!
Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa Tao.
Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan.
Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang na ako, kasama ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao.
At habang umiinog ang araw – sumisilip, sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).
Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas, tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay.
Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko’y walang tinig.)
Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!
Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam.
Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.
Patuloy ang buhay: pumipintig, kumikilos, humahalakhak sa lahat ng dako ng daigdig. Lumalakad sa lupa, napapatitianod sa tubig, lumilipad sa himpapawid, iyan ang buhay. Patuloy rin ang Tao sa kanyang pakikipaghamok sa sarili at sa daigdig. At ako’y patuloy sa paghahanap ng tunay na paglaya sa kaalipinan sa sarili.
Nalikha ang maraming bagay na panghalip sa ibang niyari ng Maykapal. Nakagawa ang Tao ng maraming bagay na wari’y nakaligtaang ipagkaloob ng kalikasan. Sino ang may-ari nito? Tutugon ako, na Taong mapanarili: Ako.
Subalit ako’y hindi lamang nag-iisa. Marami ako: libu-libong ako, laksa-laksang ako. At naroroon sa lahat ng dako. Iba-iba ang aking anyo, ugali, wika, iba-iba ang aking larawan. Subalit sa tanaw ng Diyos na lumikha sa akin ay iisang lahat ng ito. Ang Tao’y iisa, iisang kalahatang may iba-ibang tibok at pintig.
Nais lupigin ng Taong nakikipaghamok sa sarili ang buong daigdig, ang buong sansinukob. Ang kalawakan ay nais masakop, nais maangkin. Ngayon ay nalikha ang isang kababalaghan. Lumilitaw ang pagkamanlilikha ng Tao, lumilitaw ang kanyang pagka-Diyos – Ito na kaya? Ito na kaya ang kalayaang laon nang hinahanap ng Tao? Ngunit hindi, hindi, hindi pa ito ang kalayaang pagpakilala sa sarili at pagkaunawa sa kahulugan ng buhay. Hindi pa nga ito pagkat hindi pa nakikilala ng tao ang kanyang sarili, hindi pa niya nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit?

Aralin 5


Aralin 5
http://profile.ak.fbcdn.net/hprofile-ak-snc4/373226_137979812968385_1999937655_n.jpg
Sa Bagong Paraiso
Ni : Efren Reyes-Abueg
Genesis 3: 16-17 Sa simula’y mga bata silang walong taong gulang – isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang kinatitirikan ng dalawang tabla’t yerong bahay, na ang isa’y nasa Silangan at isa’y nasa Kanluran; at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan. Ang malawak na looban ay mapuno at mahalaman, maibon at makulisap at ang kanilang mga magulang ay walang sigalutan- ang mga ito’y makaDiyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangolin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon. Ang mga ito’y may rosaryo sa kanilang mga palad at may usal ng dalangin sa mga labi. At silang dalawa- ang batang lalaki at batang babae ay nagsisipag-aral kasama ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid, sa gusaling nasa dakong timog ng nayon. Sila’y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng baying iyon at ng lalawigang kinaroroonan niyon. II Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa’y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong bayabas, marurupok na sanga ng sinigwelas, sa maligasgas at malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang mga siko, nagagalusan ang kanilang mga mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog-ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda; patuloy sila sa paglalaro. Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung sila’y hinihingal na’y hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sa langit ang kanilang mukha. ‘Loko mo…makikita mo ba ang mukha mo sa langit?’ minsan ay sabi ng babae sa lalaki. ‘Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin…ang sabi ng tatay ko,’ sagot naman ng batang lalaki. Ang batang babae ay makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin ang sabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal-sila’y lalagumin ng katahimikan-ang kanilang katawan ay nakalatag na parang kumot, hanggang sa sila’y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay. Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising: kung minsan naman ang batang babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin sa tainga ang natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarining sa siya’y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangingiliti ay mapapaurong naman at anyong tatakbo at sila’y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapaikot-ikot hanggang ang isa’y mahapo at sila’y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkakadantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang katawan. Kung sila’y nagsasawa na sa loobang iyon, sila’y magtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibe. Nilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kanyang putot na pantaloon at ang napupulot niyang kabibe at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot nitong damit. Kung hindi naman kabibe ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis sa talpukan, o kaya’y gumagawa ng kastilyong buhangin o kaya nanunugis ng mga kulukoy na kung hindi makapangubli sa malalim na lungga ay lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin. Ngunit hindi lamang iyon ang kanilang ginagawa: nagtutudyuan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na, mahihiga rin sila sa buhanginan tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi nagkakatinginan sila. Minsan ay itinanong ng batang lalaki sa batang babae: ‘Naririning mo ba…..may tumutunog sa aking dibdib?’ Ang batang babae ay nagtakaa. Bumangon ito ay tumingin sa nakatihayang kalaro. ‘Pakinggan ko nga,’ anang batang babae. Inilapit ng batang babae ang kaniyang tainga sa dibdib ng batang lalaki, dumadaigdig ang katawan niya sa katawan ng kalaro at nalalanghap naman ang nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok. ‘Ang bango mo pala!’ Ang batang lalaki ay nakangiti. ‘Aba…hindi naman ako nagpapabango,’ anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang kalaro. ‘Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng nanay ko.’ ‘Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa dibdib ko?’ usisa ng batang lalaki. ’Oo...ano kaya ang ibig sabihin niyon?’ Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. ’Malay ko...tena na nga.’ Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad. Sinabayan siya ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na araw. ’Ang ganda, ano? Bakit kaya kulay-dugo ang araw kapag palubog na?’ sagot naman ng batang babae. Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran. III Puring-puri ang dalawang bata ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kanayon. At kinaiingitan naman sila ng ibang batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila. ’Siguro, paglaki ng mga batang ’yan...silang dalawa ang magkakapangasawaan.’ Maririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila’y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase sa silang dalawa’y parang tuko – magkakapit. At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila’y tinudyo ng tinudyo. ’Kapit-Tuko!’ Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag nito sa paanan na nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang mga kalaban. Nagpagulong-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugu-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila’y inawat at sila’y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap ng tatlong matinding palo sa puwit. Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila’y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay. IV Namumulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang namamakyaw at sa loob ng ilang araw lamang nagsanib ang bunga ng mga sanga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak iyon at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit kulay dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila’y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan-sapagkat sabi ng kanilang lola’y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila’y naniniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon sa kalagitnaan ng nayon, silang dalawa’y nagpugay, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang tuyong damo, na waring bankay ng siang panahong hinahalinhinan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki’y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit. At ang pamumulaklak, pamumunga at pamumulaklak at pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang punungkahoy, halaman sa bagong supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyong kung dapithapon. Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan’ ang mga magulang ay walang pinaguusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak. V Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng haiskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki ay hindi na nakapantalong maikli-putot; siya’y nakalargo na at pantay na ang hati ng buhok na nangingintab sa pahid ng pomada. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi makikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito. Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila mapigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan. Sa paghawak na kanilang daigdig, ang batang lalaki’y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro-siya’y kahalubilo na rin ng maraming batang lalaking pumapasok sa magagapok na gusaling iyon ng paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan-at higit sa laht nakikituklas ng lihim ng isa’t isa. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki ang nasa loob niyon at may pinakikita sa kasamahan. Nakisiksik din siya sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na hindi niya alam na kailangang mangyari sa kanya. Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Umupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kaniyang ama. Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon. Nagtawa ang kanyan ama. Tinapik siya nito sa balikat. ’Kailangan niyon upang ikaw ay maging isang ganap na lalaki,’ sagot ng kaniyang ama. Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata’y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang-malay. ’Hayaan mo...’ dugtong ng kaniyang ama. Isang araw isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lang sana...’ Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niy kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang niya nadama iyon. Kaya’t kahit patuloy pa rin silang naglalaro sa damuhan o kaya’y nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki. At isa ngang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kaniyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya’y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog. ’Ang damuho...pagkalaki-laki’y parang hindi lalakit.’ Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kaniyang isip at patuloy na nagpalaki sa lamat ng kaniyang kawalang-malay. VI Kasunod ng panyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo. Hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito’y nakahiga sa damuhan o dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang namumula ang mata ng batang babae nang dumating ito isang dapithapon sa tabing-dagat. ’Bakit?’ usisa niya. ’Wa-wala...wala!’ Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro niya rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang baba, kiniliti, napahabol dito hanggang sa mahawa ito at sila’y naghabulan na sa buhanginan, sumsisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga na naman sila sa buhanginan. Humagikgik pa sila ng mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at madama niyang lalong malakas ang pintig doon. ‘Tingnan mo...pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko,’ anyaya ng batang lalaki. Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas na mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunguhan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. ’Bakit?’ Saka lamang tumingin ang batang babae sa batang lalaki at ito’y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi’y pinahid nitong palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktikan ng buhangin. ’Hindi na pala tayo maaaring maglaro...tulad ng dati,’ anang batang babae sa basag na tinig. VII Hindi nga sila mga bata. Siya’y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa rin sila sa looban ngunit hindi nga lamang tulad ng dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Nayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal-sa looban, ang kanilang mga magulang ; sa paaralan, ang kanilang mga guro. Ang kanilang tawa tuloy ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uuusap ay hindi na Malaya at pumipili na sila ng salitang kanilang gagamitin. At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kaniyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kaniyang ina, palihim niyang lalabhan iyon sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang likod-bahay. Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan iyan.. VIII Natapos ng haiskul. Nagkamay sila pagkaraang maibaot sa kanila ang kanilang diploma. At nang nagsayawan ng gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok ng kanilang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng kanilang mga labi’y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin ang kanilang panunyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat sa kanilang kawalang-malay. IX Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluong sa kanyang kalooban. ’Pero, Inya...kaibigan ko si Ariel!’ May himagsik sa kanyang tinig. ’Kahit na...kayo’y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin,’ may langkap na tigas ang sagot na iyon. Alam niya ang kahulugan niyon: masama. Parang pait iyong umukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kaniyang ama. ’Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang lalaki!’ At ang pait na may inuukit sa kanyang isip ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog na pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid. Iyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo ay natuklasan nila sa isa’t sia na mataa na ang dingding sa kanilang pagitan. Matatag iyon at makapal at waring hindi nila maibubuwal. ’Huwag muna tayong magkita, Ariel,’ sabi niya sa binata. Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal sa noo nito-at pagtataka, sa damdaming unti-unting nasasaktan. ’Ba-bakit...dati naman tayong...’ ’Ayaw nila...ng Inay, ng Itay…masama raw,’ at ang mga labi niya’y nangatal kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata. Masama! Masama ! At si Ariel, ang kanyang kababata, ay lumisang larawan ng isang bilanggong hindi makaigpaw sa isang mataas na pader. X Minsan ang binata ay umalis sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang ama. “Bakit?” “Ayaw nang makipagkita sa akin ni Cleofe” Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin. “Walang kwenta iyon. Makita mo, kapag tapos na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo baa lam… na gusting- gusto ka ng mga magulang niya na maging doktora siya?” Pasigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa kanyang isip. “At habang nagdodoktora siya ay masamang kami’y magkita?” “Tama ka,” maaagap na pakli ng kanyang ama. “ Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso?” “ Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong isinaksak sa kanyang utak ang mga katagang iyon. Mahapdi. Makirot. Parang binibiyak ang kanyang ulo. Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa looban, ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na parang dugo. XI At ang dalawa’y hindi na nagkita, gayong hindi na sa lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng masasalubing na kakilala. Mangyari’y iniiwasan nila ang magkita, mangyari’y sinikil nila ang paglago ng halaman sa kanilang katauhan na pinapag- ugat at pinag- pausbong ng mga araw sa luntiang damuhansa looban at malamig na buhanginan sa dalampasigan kung dapithapon. Hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila’y magiging masama, tukso. At sa kanilang daigdig ng mga aklat, ng matataas na gusali, ng malalayang kabataan sa kapaligiran, ang isiping iyon ay parang batak na nakabitin sa tabak ng kanilang ulo o kaya’y tulad din ng isang mansanas, pulang mansanas na bibitin- bitin sa nakayungyong na sanga ng punungkahoy. Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring panahon, mga buwan at sana’y mga taon kung nakatiis sila…kung tuluyang nasikil nila ang halamang patuloy sa paglago sa kanilang katauhan. XII Hindi nga sila nakatiis…isang araw na hindi sinasadya’y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila napahinto sa paglakad at nagbabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi parin sila makakilos. Ang binata ang unang naglakas- loob at binati niya ang dalaga. Hindi makasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay anapasunod lamang siya , napatangay sa agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hinihinging pagkain, sila’y nagkatitigan at sila’y nakalimot at akala nila’y sa luntiang damuhan sila sa looban ng lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa’t isa. At pagkaraan ng maraming sandali ng pagdidilidili, ng pagsusuri sa sarili, ng pagtantiya sa pandama, hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae, pinisil at hinalikan at saka sa tinig na nababasag ang pananabik at pangungulila ay sinabi : Ibig kong magkita tayo, kahit saan, kahit saan! At ang babae ay hindi sumagot at tumango lamang at lalong ipinaubaya sa lalaki ang kanyang palad. At sila’y nagkita sa Luneta, hindi lang minsan, kundi maraming pagkikita….maraming- marami at ang kanilang sikil na damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwang pagkakalayosila’y lumigaya. Ngunti ang inihasik na binhi ng pagkakakilala sa masama ta sa mabuti sa kanilang isip sy sumibol at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawa nilang iyon ay masama. Ngunit sila’y uhaw sa gunita ng kanilang kamusmusan at sila’y naghihimagsik. XIII Malinaw ang sinabi ang sinabi sa sulat: sa pook pa naming iyon, sa lahat ng pook na dapat pagkaiwasan …doon kayo nakita. Hindi sana malubha kung nakita lamang kayo, ngunit nakita kayong magkahawak kamay… sa karamihan ng tao sa paligid. Hindi na kayo nahiya! Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa ng liham. Nababanta ang mga sumusunod na talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan. Ang binata ay hindi makatulog. Nalukot na ang suot niyang damit ay hindi parin niya hinuhubad. Ibig niyang lumabas ng bahay- paupahang iyon, maglakad sa lansangan at sa labas paabot ng umaga. …ipinaaabot ditto ng mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang hiya kami ng iyong ama. Ibig naming makatapos ka … at ibig ipaalaala mula sa iyo na ang babae at tukso…tukso! XIV Sinabi ng dalaga : hindi ngayon tayo maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tayo, magtatago tayo…ililihim natin sa kanila ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan , ngnit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik, ng takot na matupto[ at ng pangangailangan. Sa mga pook na iyon pinilit nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila, sila ay nagtatagumpay. Naaalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak, nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal, lumalarawan ang mga nananalim na tingin masama…tukso. XV At ngayon ang kanilang paraiso ay hindi na malawak na looban.o kaya ang dalampasigang malamig kung ang dapithapon ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit lagging hinahamig ng init ng kanilang lumayang katawan. XIV Maligaya sila sa kanilang daigdig. Maligaya sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamayamaya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay dumungaw sa bintana- masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakakatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas at itapon. At iyon ay waring umaakyat sa kanyang lalamunan. Humawak siya sa palalabahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyng maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakiya niyangnililinis ng tubig ang bangketa. At kasabay ng kanyang pagtungo,parang may isinakad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya’y napanganga at siya’y napapikit at siya’y napaluha at paghigpit ng kanyang paghawak sa palababahanng bintana ay naduwal siya…at ang lumabas pagkaraa’y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nalikhang mumunting agos sa gilid ng daan. At ang dalaga’y napabulalas ng iyak.
Ang pangunahing tauhan sa akdang ito ay si Cleofe at si Ariel , kung saan nagpapakita sila ng pagtakas sa katotohanan o paggawa ng sarili nilang mundo.Ipinapakita rito na pinaglalayo muna sila ng kanilang magulang upang intindihin muna ang mga dapat unahin na para sa ikagaganda ng kanilang kinabukasan ngunit dahil sa matagal na silang magkasama o nasanay na silang magkasama, kaya hindi ganoon kadali na sila’y paghiwalayin.Nanaig din ang pagmamahalan sa kanilang dalawa na nagbunga ng hindi inaasahan.
Guamamit ito ng kalikasan para s ikagaganda ng akda.Ang mga bagay na ito ang nagpapatunay na ginagamitan ito ng teoryang Romantisimo.
Teoryang Romantisismo
Sa teoryang romantisimo, ang binibigyang-tuon ng akda ay ang pagtakas sa katotohanan. Karaniwan ang mga akda sawika, kapaligiran at tauhan. Pinahahalagahan din sa akda ang kalikasan, nakaraang institusyong panlipunan atdamdaming nakapaloob dito. Ito ay nagpapakita ng pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa, bayan at iba pa.
Kinanta rin naming ang kantang “Batang bata ka pa” by:APO, upang ihalintulad sa akda.
Batang bata Ka Pa
By : Apo Hiking Society
(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang

(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian
[ Lyrics from: http://www.lyricsmode.com/lyrics/a/apo_hiking_society/batang_bata_ka_pa.html ]
(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man

(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo

(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan

(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman

(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan

(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la
Bilang pagtatapos ng araling ito, gumawa kami ng isang sanaysay, nagsulat kami n gaming bisang pandamdamin at bisang pangkaisipan at ang huli ay ang paggawa ng aming sariling katapusan ng akda.

Lunes, Oktubre 8, 2012

Aralin 4


Aralin 4
http://1.bp.blogspot.com/-0kZsRPH2dSQ/TrKJii_Dn1I/AAAAAAAAAA8/P0_H2xpoFgQ/s1600/Sa_Tabi_Ng_Dagat_by_Caraviel.jpg
Sa Tabi ng Dagat
Ni: Ildefonso Santos
Marahang-marahang
Manaog ka, Irog at kata’y lalakad
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapinan pa ang paang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
Sa sakong na wari’y kinuyom na rosas!

Manunulay kata
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga butuin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis ng hangin,
Ngunit walang ingay,
Hanggang sumapit sa tiping buhangin.

Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nangingimi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroong mga lamang-kati;
Doon ay may tahong
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdarapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Ugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon;
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso
Ay naaagnas ding marahang-marahan.
Ang tulang ito ay ginamitan ng mga bagay na makikita sa ating kalikasan na nagpapaganda at nagsisilbing imahe ng tula.Ito ay isang halimbawa ng teoryang Romantisismo
Teoryang Romantisismo
Sa teoryang romantisimo, ang binibigyang-tuon ng akda ay ang pagtakas sa katotohanan. Karaniwan ang mga akda sawika, kapaligiran at tauhan. Pinahahalagahan din sa akda ang kalikasan, nakaraang institusyong panlipunan atdamdaming nakapaloob dito. Ito ay nagpapakita ng pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa, bayan at iba pa.
Pinakanta sa amin ang kantang Kanlungan ni Noel Cabangon upang iugnay sa tula.Ang kantang kanlungan at ang akdang Sa Tabi ng Dagat ay parehas gumamit ng kalikasan upang mapaganda ito.
Kanlungan
Ni : Noel Cabangon
Chorus:
Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon? 

Natatandaan mo pa ba
Nang tayong dal’wa ang unang nagkita? 
Panahon ng kamusmusan
Sa piling ng mga bulaklak at halaman
Doon tayong nagsimulang
Mangarap at tumula

Natatandaan mo pa ba
Inukit kong puso sa punong mangga
At ang inalay kong gumamela
Magkahawak-kamay sa dalampasigan
Malayang tulad ng mga ibon
Ang gunita ng ating kahapon
[ Lyrics from: http://www.lyricsmode.com/lyrics/k/kanlungan/noel_cabangon.html ]
Refrain 1:
Ang mga puno’t halaman
Ay kabiyak ng ating gunita
Sa paglipas ng panahon
Bakit kailangan ding lumisan? 

[Repeat Chorus]

Ngayon ikaw ay nagbalik
At tulad ko rin ang iyong pananabik
Makita ang dating kanlungan
Tahanan ng ating tula at pangarap
Ngayon ay naglaho na
Saan hahanapin pa? 

Refrain 2:
Lumilipas ang panahon
Kabiyak ng ating gunita
Ang mga puno’t halaman
Bakit kailangang lumisan? 

[Repeat Chorus]
[Repeat Refrain 2]
[Repeat Chorus]

Pinagkunan : http://www.lyricsmode.com/lyrics/k/kanlungan/noel_cabangon.html
Bilang pagtatapos ng aralin ,gumawa kami ng tula kung saan gumamit kami ng mga bagay na makikita sa kalikasan.Gumawa dinkami ng Bisang Pangkaisipan at Bisang Pandamdamin.